24/7 Bebenta Sa'yo

Sky Lantern

Naging kaklase kita sa Advanced Algebra noong freshman tayo, sa Asian History noong sophomore tayo, sa Speech Communication noong junior tayo at sa Fundamentals of Physics noong senior tayo.

Alam na alam ko ‘yung sulat mo, kung paano ka sasagot sa tuwing itataas mo ang isang kamay mo (laging kaliwa) at kung gaano ka kagaling sumagot sa tuwing tinatanong ka ng prof natin. Masasabi kong sobrang humahanga na ako sa’yo noon pa lang - simula noong una pa lang kitang napansin dahil sa nahulog mong G-Tech.

"Shit. Ang G-Tech ko!" ‘Yun ang una kong narinig sa’yo. Natuwa ako dahil napakaexpressive mo. Shit. Pinakaunang narinig ko mula sa taong hinahangaan ko. Natuwa na lang ako habang kausap mo ang kaklase natin. Noong freshman tayo, ako ‘yung nagcheck ng quiz natin tungkol sa Binomial Theorem. Napakaganda ng sulat mo. Nahiya akong isulat ‘yung "Corrected By: <insert name ko>". Pero hindi mo alam sa pinakababa ng likod ng papel, nagdrawing ako ng isang maliit na puso. Noong sophomore tayo, naging magkagroup tayo sa Asian History. Food Festival ang activity natin noon at kailangang makapagluto tayo ng isang Thai main dish at Malaysian dessert. Naisip ko noon, lagyan ko na lang kaya ng gayumang nabibili malapit sa simbahan ‘yung kakainin mo since ako naman ‘yung naassign na magseserve ng mga pagkain para lang mapansin mo ako. Naging kagrupo rin kita sa choral recitation natin noong SpeechCom. Tayo pa nga ‘yung nanalo noon gamit ang piece na Congo. Mas lalo pa akong humanga sa’yo at naging mas malakas ang tama ko sa’yo noong naging partners tayo sa Physics sa paggawa ng Sky Lantern.

Naisip kong unang beses mo akong makakausap na sana hindi bilang groupmate sa isang activity noong fourth year na tayo dahil sa paggawa ng sky lantern. Tatlong taon akong naghintay mangyari ito. Sinubukan kong makipag-usap sa’yo dati kaya lang natakot ako na baka tarayan mo lang ako. Ngunit ngayong tayong dalawa na lang, masosolo na kita. Sa dorm mo pa tayo naggawa noon ng sky lantern. Habang gumagawa tayo, gupit dito-dikit doon, tinanong mo ako tungkol sa buhay ko. Napag-usapan natin tungkol sa pamilya ko, love life at acads. Nagkaroon ako ng lakas-loob na ipagtapat na matagal na kitang gusto. Kaya lang natigilan ako noong sinimulan mong magkwento tungkol sa buhay mo lalo na pagdating sa love life mo. Single ka pero may nagugustuhan ka. Nanghina ako at nawalan ng pag-asa na maging akin ka. Natakot lang ako baka kasi ireject mo lang ako.

Halos araw-araw na tayong nagkasama dahil sa paggawa ng sky lantern natin. Dahil marami din tayong commitments sa ibang bagay kaya hindi natin matapos-tapos ‘yon. Mas lalo tayong naging close at pakiramdam ko noon na ang paghanga ko sa’yo ay napalitan na ng pagmamahal. 

Dumating na ang araw ng pagpapalipad natin ng sky lantern. Eksaktong 6:15 P.M. nagkita tayo sa field kasama ang iba pang grupo. Natatakot ka na baka hindi lumipad ‘yung atin. Pero ang sabi ko, lilipad ‘yun sapagkat nabuo ‘yun dahil sa pagmamahal ko sa’yo. Mukhang hindi mo narinig o napansin dahil busy ka sa pag-aayos ng project natin. Buti na lang. Noong nakumpleto na ang lahat at nacheckan na ang mga sky lanterns natin, nagtipon-tipon tayong lahat sa gitna ng field. 7:10 P.M. sinindihan ko ang sky lantern natin. Kitang-kita ko sa mukha mong excited ka. Noong binigay na ng prof ang signal para paliparin ang mga sky lanterns, medyo kinabahan ka at noong pinalipad ko na, bigla kang napahawak sa aking kanang kamay. Ang lambot at hindi magaspang. Kinabahan ka baka kasi masira ‘yung sa atin katulad nung sa iba, pero patuloy na lumilipad ‘yung sa atin parang ako na patuloy pa ring tahimik sa totoong nararamdaman ko. Hindi ko alam kung anong naisip ko kung bakit nagkaroon ako ng lakas loob nang mga oras na ‘yun. 7:21 P.M. habang lumilipad ang sky lantern natin at nakatingala ka sa langit, bigla ko na lang sinabi na “Tulad ng sky lantern natin, gusto ko ring lumipad. At sabi nila makakalipad ka raw kapag nagmamahal ka. Matagal ko nang tinago sa’yo ito pero hindi ko na kaya pang pigilan. Gusto kita. Mahal kita.”

Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon mo sa sinabi ko. Gusto kong magalit sa sarili ko dahil hindi ko naisip baka mailang ka at mawala ka sa akin. Ang tanging sinagot mo lang ay “May nagugustuhan ako eh. Sinabi ko naman sa’yo ‘yun.” Ang sakit pa lang kung sa’yo nanggaling ‘yung mga salitang ‘yun. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa’yo, kung okay lang kahit hindi naman talaga o wala lang. Pero may dinagdag ka sa sinabi mo. “Yung taong gusto ko, siya ‘yung laging inaantok sa Advance Algebra natin. Natapunan ng juice noong Food Festival. Napunta sa kanyang tanong noong impromptu speech natin ay tungkol sa pagrespeto. At siya ‘yung katulong ko sa paggawa ng sky lantern natin. Matagal na rin kitang nagugustuhan kaso nahihiya akong lumapit at kausapin ka. Noong freshman pa lang, gusto na kita. Ibang-iba ka sa mga nakikilala ko dito sa university. May pagkageek, matalino at marunong sa buhay. Oo, ikaw ang gusto ko. Ikaw ang mahal ko. Kasabay ng paglipad ng mga sky lanterns, gusto ko ring lumipad kasama ka.” 7:26 P.M. official time na sinimulan nating lumipad.

  1. dinakobaby reblogged this from beben-eleben
  2. theelusivedemigod reblogged this from beben-eleben
  3. kamilele reblogged this from beben-eleben
  4. malditangiyakin reblogged this from beben-eleben
  5. datewiththechemicals reblogged this from beben-eleben
  6. hopelesssmind reblogged this from beben-eleben
  7. badedeth reblogged this from beben-eleben
  8. misskimchee said: True story ‘to, Kuya? Cooool! :”>
  9. phrixed reblogged this from beben-eleben
  10. beben-eleben reblogged this from beben-eleben and added:
    Naging kaklase kita sa Advanced Algebra noong freshman tayo, sa Asian History noong sophomore tayo, sa Speech...
  11. carelessbratontheloose reblogged this from beben-eleben